PALALAWAKIN ng Department of Agriculture (DA) ang produksiyon ng durian sa bansa kasunod ng state visit ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa China kamakailan kung saan nag-uwi siya ng USD2-billion fruit export deal.
“One of the focal points of the discussion is the durian imports by China all over the world. We are pinpointed as one of the sources that China would like to avail from and they have allocated USD260 million initially to start off the project from the Philippines,” wika ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban.
Para matugunan ang pangangailangan ng Chinese market sa mga sariwang durian, tinalakay nina Undersecretary Panganiban at Assistant Secretary for Operations Arnel De Mesa ang mga kinakailangang hakbang sa mga kinauukulang Regional Executive Directors (REDs) at Bureau of Plant Industry (BPI) officials noong nakaraang January 9.
“We hope and anticipate that this will be a major breakthrough that we should avail of and hope that we should be able to maintain a good relationship with China in the long run,” ani Panganiban.
Sa naturang pagpupulong ay inatasan niya ang REDs na kagyat na tukuyin ang potential areas para sa expansion at bumalangkas ng kinakailangang work at financial plans para magtuloy-tuloy ang durian export.
Ang durian ay inisyal na ie-export mula sa listahan ng registered farms sa major durian production areas ng Davao City, Davao del Sur, at North Cotabato.
Ang proyekto ay inaasahang lilikha ng 10,000 direct at indirect jobs mula sa bilateral venture.
Ang Chinese companies, kabilang ang Dole (Shanghai) Fruits and Vegetables Trading Co., Ltd/Dole China, Prestige International Co. Ltd., Shanghai Goodfarmer Group, at Dashang Group ay nagbigay na ng purchase commitments na nagkakahalaga ng USD 260 million para sa 2023.