(Pinaghahandaan na ng DOLE) DISPLACEMENT NG WORKERS SA ARTIFICIAL INTELLIGENCE

INAMIN ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang napipintong pagkawala ng trabaho ng mga manggagawa sa bansa sa gitna ng paglitaw ng artificial intelligence (AI) technology.

Gayunman, sa panayam sa Super Radyo dzBB ay sinabi ni Laguesma na hindi mapipigilan o mapagbabawalan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang naturang pagsulong ng teknolohiya.

Aniya, ang magagawa ng ahensiya ay ang paghandaan ang mga epekto na idudulot nito sa labor sector.

“Bawat pagbabago sa larangan ng paggawa, hindi maitatanggi na merong puwedeng maging dislokasyon pero mahalaga siguro, paghandaan natin,” ani Laguesma.

Anang kalihim, ang mahalaga ay ang mapaghandaan at makita kung anong klase ng paggabay o pagtulong ang dapat gawin sa mga manggagawa.

“Ganoon din naman kung ano ang dapat gawin ng mga namumuhunan nang sa gano’n ay hindi magkaroon talaga ng mabigat na displacement o dislokasyon sa ating mga manggagawa,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan na, aniya, ang DOLE sa mga employer at kompanya upang malaman kung ipakikilala nila ang AI sa kani-kanilang work processes, at ipaliwanag ang posibleng epekto nito sa labor force.