ESTUDYANTE DINALE NG KAWATAN, LOLA KRITIKAL

kutsilyo

MALABON CITY– PATAY ang isang 15-anyos na estudyante habang nasa kritikal ang kalagayan ng kanyang lola matapos pagsasaksakin ng dalawang magnanakaw sa lungsod na ito noong Linggo ng madaling araw.

Ang biktima na hindi umabot ng buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng tinamong mga saksak sa leeg at katawan ay nakilalang si Christian Andrew Gonzales, habang ginagamot naman sa Chinese General Hospital si Elizabeth Gonzales, 58.

Nakapiit na ngayon sa detention cell ng Malabon police ang isa sa mga suspek na si Angelo James Dejados, 28, ng 35-C Azucena St., Brgy. Longos, habang patuloy namang pinaghahanap ng mga pulis ang hindi pa kilalang kasabwat nito.

Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Jose Romeo Germinal II at PSSg Philip Cesar Apostol, alas-4:30 ng mada­ling araw nang pasukin ng mga suspek ang bahay ng mga biktima sa No. 37, Azucena St., Brgy. Longos sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana sa ikalawang palapag ng bahay.

Kinuha ng mga suspek ang dalawang cellphone, tablet at iba pang gadget habang nagising naman si Elizabeth matapos marinig ang ingay ng mga kawatan na pababa ng hagdan.

Kaagad pinagsasaksak ng mga suspek ang mga biktima sa iba’t ibang parte ng katawan bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksiyon habang sa kabila ng mga saksak nagawang makalabas ng bahay ni Elizabeth at makahingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay.

Isinugod ang mga biktima sa naturang pagamutan habang nadakip naman sa follow-up ope­ration ng mga tauhan ng PCP-3 at SRU si Dejados na positibong kinilala ni Elizabeth.

Narekober ng pulisya sa crime scene ang isang back pack at dalawang kitchen knife habang nabawi naman ang mga cellphone na kinuha ng mga suspek sa loob ng bahay. EVELYN GARCIA