PATULOY sa pagbulusok ang ekonomiya ng Filipinas sa huling tatlong buwan ng 2020, dahilan para maitala ang pinakamababang full-year gross domestic product (GDP) sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang fourth-quarter 2020 GDP ay sumadsad sa -8.3%. Sinundan nito ang -11.4% sa third quarter ng naturang taon, at kabaligtaran ng 6.7% growth na naitala sa fourth quarter ng 2019.
Sa isang virtual briefing, sinabi ni National Statistician Claire Dennis Mapa na ang pagsadsad ng ekonomiya ay bunga ng pagbaba sa performance sa construction (-25.3%), other services (-45.2%), at accommodation and food service activities (-42.7%).
Ang lahat ng tatlong major economic sectors ay nagposte rin ng contractions sa nasabing quarter — agriculture ng 2.5%, services ng 8.4%, at industry ng 9.9%.
“COVID-19 disrupted our growth momentum and development trajectory,” pahayag ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua sa parehong briefing.
Sa pinakahuling datos, ang 2020 GDP ay sumadsad sa -9.5% sa buong 2020, ang unang full-year contraction magmula noong 1998 nang bumaba ang ekonomiya ng 0.5% dahil sa Asian financial crisis.
Ito rin ang pinakamalalang full-year performance base sa mga datos ng PSA mula 1947, kasunod ng 7% slump noong 1984.
Pagdating sa per capita, ang GDP ay bumagsak sa -10.7% noong 2020 laban sa 4.5% noong 2019, habang ang gross national income (GNI) ay bumaba sa -12.3% mula sa 3.7% sa naunang taon.
Comments are closed.