PINAKAMAHIHIRAP NA ESTUDYANTE BIBIGYANG PRAYORIDAD SA SUBSIDY PROGRAMS NG GOBYERNO

TINIYAK ni Senador Win Gatchalian na sa pagpili ng mga benepisyaryo ng government subsidy programs para sa mga pribadong paaralan ngayong taon, bibigyang prayoridad ang mga pinakananga­ngailangang mag-aaral.

Nakasaad sa 2025 national budget ang panukalang amendment ni Gatchalian sa special provision ng Government Assistance and Subsidies  sa ilalim ng pondo ng Department of Education (DepEd).

Sa ilalim ng naturang probisyon ay bibigyan ng prayoridad sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP) at Educational Service Contracting (ESC) Program ang mga mag-aaral mula sa mga pinakanangangailangan o pinakamahihirap na kabahayan. Nakasaad din sa naturang special provision na bibigyang prayoridad sa ESC ang mga mag-aaral mula sa mga nagsisiksikang pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng ESC program, binabayaran ng gobyerno ang tuition at iba pang fees ng mga sob­rang mag-aaral sa mga nagsisiksikang ju­nior public high schools na papasok sa mga pribadong paaralang katuwang ng DepEd.

Sa ilalim naman ng SHS-VP, nakatatanggap ng tulong pinansiyal sa anyo ng mga vouchers ang mga kwalipikadong SHS learners mula sa mga nakikilahok na pribado at non-DepEd schools.

Sa taong ito, P12.077 bilyon ang nakalaan sa ESC, habang P27.024 bilyon ang sa SHS-VP.

Noong nakaraang taon ay pinuna ni Gatchalian ang 68% na mga benepisyaryo ng ESC noong School Year (SY) 2020-2021 na mula sa mga non-poor households. Limampu’t siyam na porsiyento naman ng mga ESC recipients noong SY 2019-2020 ang nagmula sa mga non-poor households.

Tinataya ng tanggapan ni Gatchalian na uma­bot sa P8.6 bilyon ang leakage ng ESC program. Batay ito sa pagsusuri ng tanggapan ng senador gamit ang datos ng Annual Poverty Indicators Survey (APIS) para sa 2020 at 2022.

Batay sa parehong datos mula sa 2020 at 2022 APIS, natuklasan din ng tanggapan ni Gatchalian na 70% ng SHS-VP beneficiaries noong SY 2020-2021 ay mula sa mga non-poor households. Para sa school year na iyon, P7.21 bilyon o 53% ng P13.69 bilyon na inilaan para sa SHS-VP ang napunta sa mga mag-aaral na hindi naman bahagi ng mga pinakamahihirap na pamilya.

Noong SY 2019-2020, 64% ng mga SHS-VP beneficiaries ang nagmula sa mga household ng mga pinakamahihirap na pamilya. Sa taong iyon, P7.30 bilyon o 39% ng P18.76 bilyong inilaan para sa SHS-VP ang napunta sa mga non-poor learners.

VICKY CERVALES