LUNGSOD NG MALOLOS – KIKILALANIN ang pagsisikap sa mabuting pamamahala ng mga bayan at lungsod at ang pagpapanatili ng malinis at maberdeng kapaligiran ng mga barangay sa Bulacan sa pagbibigay parangal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Seal of Good Local Governance (SGLG) at 2019 Gawad Parangal sa Kalinisan at Kaayusan sa Kapaligiran sa Barangay sa Martes, Disyembre 17 alas-8:00 ng umaga sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.
Sasamahan ni DILG-Region 3 Regional Director Dr. Julie J. Daquioag sina Gobernador Daniel R. Fernando at nanunumpang Bise Gob. Erlene Luz Dela Cruz sa nasabing aktibidad.
Pahayag ni Fernando, na ang mga barangay at mga bayan, bilang maliliit na yunit ng pamahalaan, ang humuhubog sa mga lokal na pinuno kaya naman isa ito sa pinakamahalagang yunit ng lipunan.
Kasabay ng programa, ipapahayag ni Fernando ang bunga ng unang 100 araw niya bilang punong lalawigan.
Kinikilala ng SGLG ang galing sa pagganap ng mga lokal na pamahalaan sa transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng publiko, kahandaan sa pagsubok na dala ng kalamidad, kaalaman sa pangangailangan ng mga mahihina at marginalisado na sektor ng lipunan, implementasyon ng programang pangkalusugan, pagsusulong ng pamumuhunan at trabaho, pangangalaga sa nasasakupan mula sa panganib sa buhay at pagkasira ng ari-arian at pag-iingat sa dangal ng kalikasan.
Samantala, alinsunod ang KKK sa Barangay sa The People’s Agenda 10 ng Pamahalaang Panlalawigan, kung saan binibigyang pagkilala ang mga barangay na nagpakita ng pagpupunyagi na makamit ang kalinisan at kaayusan ng kani-kanilang nasasakupan. MARIVIC RAGUDOS