PINAKAMATAAS NA UNEMPLOYMENT RATE SANA MASOLUSYONAN

Joes_take

PINAKAMATAAS sa kasaysayan ng bansa ang naitalang ‘joblessness rate’ o bahagi ng populasyon ng Filipino na walang trabaho.

Ayon sa pinakahuling survey  ng Social Weather Stations (SWS), 45.5% o katumbas ng 27.3 milyong Fili-pino na mga nasa hustong gulang ay walang trabaho ngayong nakikipaglaban tayo sa pandemya dulot ng paglaganap ng COVID-19.

Nang matanong ang Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque tungkol dito, hindi na raw siya nagu-lat,  at buti na lamang  ay hindi 100% ang nawalan ng trabaho dahil sa lockdown. Pinuri niya ang resili-ence o katatagan ng mga Filipino.

Ayon naman kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, tila hindi tugma ang datos ng SWS sa report ng Philippine Statistics Authority Labor Force Survey (LFS) na su-musukat naman ng bilang ng mga may trabaho.

Ayon kay Bello, sa pinakahuling tala ng PSA nitong Abril 2020, 17.7% lamang ang unemployment rate, na ibig sabihin ay 7.43 milyon ang bilang ng mga Filipinong walang trabaho. 3.3 milyon naman mula sa formal sector ang may flexible work arrangements, at nawalan ng trabaho dahil sa pansamantala o permanenteng pagsasara ng mga negosyo.

Nakababahala ang sitwasyong ito, anumang report ang gamitin na reference ng gob­yerno at ng pub-liko. Iisa ang ibig sabihin, parami nang parami ang mga Filipinong naghihirap dahil sa patuloy na epekto ng pandemya.

Ang mga negosyo, patuloy na nalulugi, dahilan para magsara o ‘di kaya naman ay magbawas ng mga empleyado nila. Karamihan sa mga naaapektuhan, kaunti lang ang ipon o ‘di kaya naman ay walang sapat na naitabi. Hindi rin sila makautang dahil hindi malaman kung saan kukuha ng pambayad.

Bukod sa banta sa kasulugan, lubos na mapanira ang COVID-19 sa kabuhayan. Dito kailangan ng pinong pagbabalanse ng pamahalaan pagdating sa mga programang ipinatutupad at pinaglalanan ng budget.

Bukod sa pagbibigay ng ayuda, may mga panukala na ang ilang mambabatas tungkol sa pagbibigay ng opsiyon na umutang ang mga maliliit na negosyo sa mga bangko ng gobyerno. Malaki ang maitutulong nito na makabawas sa paghihirap, lalo’t may insentibo pa tulad ng mas mahabang panahon ng pagbayad o ‘di kaya naman ay pinakamababa o walang interes.

Sa isang banda, ngayong ang urban sector ang lubos na apektado, oportunidad ito na ang sector naman ng agrikultura at kabuhayan sa probinsya ay pagyamanin pa. Magandang bisitahin ng pamahalaan ang mga programa para sa pagsasaka, pangingisda at iba pa. Ang mga nawalan  ng trabaho sa Maynila, mga bumabalik na Overseas Filipino Workers, ay maaaring magsimula muli sa probinsya, basta’t maalalayan lang ng gobyerno sa bago nilang pagkakakakitaan.

Solid at pangmatagalan na plano na makabubuti sa pangkalahatan ang kailangan para makaahon tayo muli sa kahirapan.

Ang pandemya ay lilipas din, dangan  nga lang ay hindi natin alam kung kailan. Sa ngayon  may mga ba-kuna na nakaamba para magamit kontra COVID-19. Subalit habang wala pa ito ay kailangang makagawa ng pangmatagalang solusyon hindi lamang ang pamahalaan kundi ang buong sambayanan sa pama-magitan ng strict personal safety protocols. Ngayong tayo ay nasa GCQ na, importante ang pakikipag-tulungan ng lahat ng sektor para ating matahak ang tamang daan kung paano mamumuhay kasama itong COVID-19. Ika nga sa wikang ingles. We need to live with the virus for now.

Comments are closed.