(Pinakamataas sa loob ng 6 na buwan) OFW CASH REMITTANCES PUMALO SA $2.8-B

CASH AID-OFWs

TUMAAS pa ang remittances mula sa overseas Filipinos noong Hunyo, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP, ang cash remittances o money transfers sa pamamagitan ng mga bangko o formal channels ay naitala sa $2.812 billion, tumaas mula $2.494 billion noong Mayo, at mas mataas ng 2.1% kumpara sa $2.755 billion noong June 2022. Ito rin ang pinakamataas magmula nang maitala ang $3.159 billion noong December 2022.

“The expansion in cash remittances in June 2023 was due to the growth in receipts from land- and sea-based workers,” ayon sa BSP.

Year-to-date, ang cash remittances ay lumago ng 2.9% sa $15.793 billion mula $15.347 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa United States nagmula ang 41.1% ng kabuuang remittances para sa first half, 6.9% sa Singapore, 5.9% sa Saudi Arabia, 5.1% sa Japan, at 5.0% sa United Kingdom.

Ang United Arab Emirates ay may 4.0%; Canada, 3.4%; South Korea at Qatar, tig-2.8%; at Taiwan, 2.7%.

Samantala, tumaas ang personal remittances, o ang kabuuan ng transfers na ipinadala ng cash o in-kind via informal channels, ng 2.2% sa $3.131 billion mula $3.064 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ang mga manggagawa na may kontrata na mahigit isang taon ay nagpadala ng $2.48 billion, habang ang mga walang isang taon ang kontrata ay nagpadala ng $570 million.

Year-to-date, ang personal remittances ay nasa $17.590 billion, tumaas ng 3.0% mula $17.086 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.