INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig sa tariff cuts sa imported rice, corn, at pork products hanggang sa katapusan ng 2024, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
Inendorso ng mga economic manager ang pagpapanatili sa tariff rates para sa bigas sa 35 percent, pork sa 15-25 percent, at mais sa 5-15 percent.
Ayon kay Marcos, ang hakbang ay naglalayong mapanatiling abot-kaya ang halaga ng nasabing mga produkto sa harap ng mga epekto ng El Niño at ng African swine fever.
Sinabi pa ng Pangulo na ang extension ay makatutulong para matugunan ang mataas na inflation, madagdagan ang suplay ng basic agricultural products, at ma-diversify ang market sources ng bansa.
Ang tariff cuts extension ay orihinal na magtatapos sa Dec. 31, 2023.
Pinalawig ng Executive Order No. 50 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang mas mababang taripa sa December 2024.
Ang inflation noong nakaraang buwan ay bumagal sa 4.1 percent kasunod ng mas mabagal na pagtaas sa presyo ng pagkain at mas mababang transport costs sa harap ng pagbaba ng presyo ng langis.