NANGANGANIB na tumaas pa ang presyo ng bilihin, lalo na ng pagkain sa susunod na taon dahil sa kulangan ng suplay sa kabila ng mataas na demand.
Ito ang ibinabala ng ekonomistang si Professor Astro Del Castillo bilang tugon sa ulat na posibleng bahagyang umangat ulit sa 2.6% ang inflation rate ngayong buwan.
Ayon kay Del Castillo, dapat tiyakin ng gobyerno na mapababa ang presyo ng koryente na magtutulak naman upang bumaba ang presyo ng mga bilihin, lalo ng pagkain.
Maaari rin aniyang makaapekto sa presyo ng mga bilihin ang opisyal na pag-upo ni Donald Trump bilang bagong pangulo ng Amerika dahil sa plano nitong baguhin ang mga taripa o trade transactions sa iba’t ibang bansa.
Samantala, itinuro naman ng Social Weather Stations ang pagsirit ng inflation na pangunahing rason ng pagbaba ng Christmas optimism ng ilang Filipino matapos lumabas sa survey na nabawasan ang bilang ng mga Pinoy na nagsabing masaya ang kanilang Pasko ngayong taon.
Ipinunto ni SWS Director for Communications and Information Technology Leo Laroza na hindi lang ang pagiging masaya sa Pasko ang naging batayan kundi maging ang pagtingin ng bawat pamilya sa kanilang sarili kung mahirap man sila o hindi. DWIZ 882