PLANO ng pamahalaan ng Filipinas na dumulog sa European Union para alisin o kanselahin ang refugee status ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison matapos na opisyal na maglabas ng warrant of arrest dito ang Manila Regional Trial Court laban sa 37 iba pa kaugnay sa Inopacan Massacre.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, nakipag-ugnayan na siya sa deputy ambassador ng EU para pormal na hilingin na matanggal na ang refugee status ni Joma sa Netherlands.
Ito ang balakid para maisulong ang extradition request na magpapatapon kay Sison pabalik ng Filipinas para harapin ang kasong kinakaharap nito.
Magugunitang iniutos ni MTC Br 32 Judge Thelma Bunyi-Medina ang pag-aresto kina Sison at 37 iba pa dahil sa multiple murder na isinampa sa kanila matapos na madiskubre ang mass grave sa Inopacan, Leyte noong 2006.
Sinasabing mahigit 100 kalansay ang nahukay sa mass grave na tinaguriang The Garden na pawang biktima umano ng CPP-NPA purging sa kasagsagan ng kanilang ginawang pagpupurga sa mga hinihinalang missing link o mga deep penetrating agents ng militar. VERLIN RUIZ