GENEVA – PINAIGTING ng Pilipinas ang panawagan nito sa nagkakaisang aksyon ng mga bansa para sa pagpapalawak ng proteksiyon ng mga migranteng manggagawa.
Sa pahayag na binasa sa plenary session ng ika-107 na sesyon ng International Labor Conference sa Geneva, Switzerland, binigyang diin ng Pilipinas sa mga dumalong bansa na dapat magpatupad ng mga hakbangin upang tugunan ang mga hindi nararapat na gawain tulad ng harassment sa trabaho, higit lalo sa mga kababaihang manggagawa.
“Ang tema ng pulong na ‘Women at Work’ ay napapanahon kasunod na rin nang hindi katanggap-tanggap na karanasan ng mga Filipinong overseas worker nitong mga nakaraang buwan,” ayon sa statement ni Labor Secretary Silvestre Bello III na binasa ni Undersecretary Joel Maglunsod.
Magugunitang natuon ang pansin ng mundo sa Pilipinas kasunod ng mga ulat ng umano’y pagkamatay at pang-aabuso sa mga Pilipinang manggagawa sa gitnang silangan. Mayroong mga ulat ng pagkamatay, pang-aabuso, at ilang kaso ng panggagahasa sa mga household service workers.
Dagdag pa rito, upang maresolba ang problema, patuloy ang pamahalaan sa kampanya nito na bigyang kaalaman ang mga bansang tumatanggap ng manggagawa kaugnay sa patas na karapatan at kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs).
Binigyang-diin din ng statement na: “Marami pang kinakailangan gawin. Ilan rito ang mas pinaigting na pagtutulungan upang makapagbigay ang mga pamahalaan at stakeholder ng mas ligtas at naaayong migration blueprint sa mga manggagawa.”
Sa panghuling bahagi ng statement: “Nais naming hingin ang inyong tugon. Kailan ba matatapos ang kulturang ito ng hindi pagkakapantay-pantay?” PAUL ROLDAN
Comments are closed.