DAHIL inalis na ang 12 porsiyentong value-added tax (VAT) sa bill ng tubig ng mga konsyumer, sinabi ni Senadora Grace Poe na dapat tiyakin ng dalawang water concessionaires ang tuluy-tuloy at dekalidad na serbisyo ng tubig.
“Hindi dapat mauwi sa pagbaba ng kalidad ng serbisyo ang pagbaba ng bill sa tubig,” ayon kay Poe.
“Ang maaasahang suplay ng tubig ay hindi luho kundi karapatan ng lahat,” anang senadora.
Sinabi pa ni Poe, chairperson ng Senate public services committee, na umaasa siyang ang nasabing kabawasan sa bill ng mga konsyumer ay hindi na maaantala.
“Ang halagang matitipid rito ay mapupunta sa kanilang pagkain, pangangailangan sa bahay at pagbabayad ng lumobong utang,” diin ni Poe.
Sinabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office na ang pag-aalis sa 12 porsiyentong VAT sa tubig at waste water service ay minamandato ng Republic Acts No. 11600 at 11601 na nagbigay ng prangkisa sa Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Co. Inc. para magtatag, mamahala at magpanatili ng waterworks system, imburnal at sanitasyon sa kanilang mga sineserbisyuhang lugar.
Si Poe ang nanguna sa pagpasa ng naturang batas sa Senado nitong nakaraang taon para matiyak ang walang patid na serbisyo ng tubig sa mga konsyumer.
Ayon pa sa ahensiya, magiging epektibo ang pagtatanggal sa VAT sa bill ng tubig simula sa Marso 21 ng taong kasalukuyan.
Nanawagan si Poe sa MWSS na patuloy na tiyaking susunod ang mga distributor ng tubig sa concession agreement para sa tuluy-tuloy na serbisyo, lalo na sa panahon ng tag-init.
Sinabi pa ng senadora na kailangang maghanda rin ang pamahalaan sa posibleng kakapusan ng tubig sa gitna ng bumababang lebel nito sa mga dam.
“Umaasa tayong ang putol-putol na serbisyo ng tubig ay hindi magiging bahagi ng new normal,” ani Poe VICKY CERVALES