HANGAD ni Senador Win Gatchalian na matugunan ang tumataas na insidente ng ilegal na kalakalan na kinasasangkutan ng mga produktong pinapatawan ng excise tax upang mahinto at maiwasan ang leakage sa kita ng gobyerno at protektahan ang kalusugan ng mga mamimili.
Ang gobyerno ay nagpapataw ng excise tax sa mga produkto ng alak, sigarilyo, vapor products, mga produktong petrolyo, mga sasakyan, ang mga tinatawag na non-essential goods and services, sweetened beverages, at mineral products.
“Ang pagpupuslit ng mga produktong ito ay mabilis na nagiging talamak at pinagkakaitan ang pamahalaan ng karagdagang kita na kailangan para matustusan ang iba’t ibang mga programa at proyekto at mapanatili ang paglago ng ekonomiya,” ani Gatchalian, kasunod ng inihain niyang Senate Resolution No. 566.
Ang naturang resolusyon ay naglalayong masuri agad kung gaano kalawak ang ipinagbabawal na kalakalan sa bansa, paigtingin ang mga polisiya ng enforcement agencies pati na ang border restrictions, at magpakilala ng mga batas na tutugon sa revenue leakages dulot ng pagpupuslit ng mga excisable products.
“Ang tumataas na bilang ng mga insidente ng ‘illicit trade’ sa mga produktong pinapatawan ng excise tax ay nagdudulot din ng malaking panganib sa kalusugan ng tao kung ang substandard na mga produkto ay hindi aprubado ng mga otoridad at hindi dumaan sa quality control,” dagdag ng senador.
Nawalan ng kita ang gobyerno noong Marso na aabot sa P1.4 bilyon dahil sa iba’t ibang produkto ng smuggled na sigarilyo sa Sulu. Noong nakaraang buwan din, napigilan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Cagayan de Oro ang tangkang pagpupuslit ng dalawang container ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P160 milyon. Noong Pebrero, nasamsam ng mga awtoridad ang P600,000 halaga ng mga undocumented na sigarilyo sa Dipolog City, Zamboanga del Norte at humigit-kumulang P2 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa Cauayan, Negros Occidental.
Sinabi ni Gatchalian na aabot sa 42.8% ng kabuuang konsumo ng sigarilyo sa bansa mula 2009-2017 ay mula sa naipuslit na tobacco products, batay sa isang pag-aaral na pinamagatang “Measuring Illicit Cigarette Trade: The Case of the Philippines” na inilathala noong 2021. Ang lugi ng gobyerno mula sa mga produkto ng alak na ipinuslit sa bansa ay umabot sa US$438 milyon noong 2016. Nawalan din ang bansa ng P26.87 bilyon na kita dahil sa fuel smuggling o misdeclaration noong 2016.
Noong 2021, umabot sa P317.69 bilyon ang excise tax collection ng BIR o 15.23% ng kabuuang revenue collection ng ahensiya. Sa naturang kita, P90,128.34 milyon ang galing sa excisable alcohol products, P176,486.48 milyon ay mula sa tobacco products, P7,369.99 milyon mula sa petroleum products, P35,832.20 milyon mula sa miscellaneous products, at P7,872.23 milyon mula sa mineral products.
VICKY CERVALES