PINAY BINALAAN NG POEA VS MARRIAGE FOR WORK

marriage

BINALAAN ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Pinay laban sa mga tiwaling indibidwal na nanghihikayat na mag-asawa sila ng mga Chinese national upang makapagtrabaho sa China at magkaroon ng iba pang financial benefits.

Ang babala ay ginawa ng POEA kasunod ng ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may limang Pinay na istranded sa Tongxu, Henan province sa China, at humihingi ng tulong sa pamahalaan upang makauwi ng  Filipinas.

Ang mga biktima ay sinasabing ni-recruit at pinangakuang bibigyan ng trabaho sa China ng dalawang Chinese nationals na nakilalang sina Song Gang at Li Chunrong, alyas Steven Lee, asawa ng Pinay na si Violeta Aquino na taga-Urbiztondo, Pangasinan.

Ayon sa isa sa mga biktima, inayos nina Lee at Violeta ang kanyang kasal sa isang Chinese national na si Wei Qi Lai na nasa Filipinas bilang turista.

Pinangakuan pa umano siya ni Lee na bibigyan ng dowry ang kanyang pamilya na nagkakahalaga ng P140,000 matapos ang kanilang kasal at kapag nakuha na niya ang kanyang Chinese visa.

Gayunpaman, P100,000 lamang ang nakuha ng kanyang pamilya matapos na iawas ang bayad sa kanilang wedding reception at pagproseso ng kanyang travel documents.

Ikinasal sila sa Pangasinan noong Setyembre 11, 2017 at nakaalis siya patungong China na gamit ang tourist visa kasama ang kanyang asawa. Tumuloy umano sila sa tahanan ni Wei Qi Lai sa Zhangzhou.

Ayon sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) ng FDA, bagaman legal ang kasal ng mga Pinay sa kanilang mga asawang Chinese at mayroong valid residence permits, hindi naman sila pinapayagan ng kanilang mga asawa na makapagtrabaho para masustentuhan ang kanilang mga pamilya sa Filipinas.

Dahil nakararanas ng pang-aabusong pisikal at sekswal ay nagpasya ang Pinay na tumakas mula sa tahanan ng kanyang asawa.          ANA RH

Comments are closed.