PINAY BOOTERS TODO PAGHAHANDA SA FIFA WORLD CUP

PUSPUSAN ang ginagawang paghahanda ng Philippine Football Federation (PFF) para masiguro na magiging tunay na memorable ang kampanya ng women’s national football team sa kauna-unahang pagsabak nito sa FIFA World Cup.

Nakalinya ang mga serye ng friendlies dito at sa ibang bansa para sa mga Pinay bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa July 20-August 20 tournament na co-hosted ng Australia at New Zealand sa susunod na taon.

Katatapos lang ng koponan ni coach Alen Stajcic ng dalawang friendlies sa Costa Rica noong nakaraang linggo, at marami pa ang nakalinya para sa mga Pinay sa kanilang paghahanda para sa makasaysayang kampanya na popondohan ng $2 hanggang $3 million.

“Match fitness kasi ang hinahanap natin. So the more matches for them the better,” wika ni PFF President Mariano ‘Nonong’ Araneta sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes. “We never imagined to be in the World Cup. But here we are. So we just have to prepare the team well.”

Kaugnay nito, inihayag ni PFF Secretary-General Atty. Ed Gastanes sa parehong session na napili ang Pilipinas na kabilang sa stops ng FIFA Women’s World Cup Trophy Tour sa susunod na taon.

“We have received notice the Philippines is part of the Trophy Tour of the Women’s World Cup 2023,” sabi ni Gastanes, na sinamahan si Araneta sa session na itinataguyod ngSan Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Amelie Hotel Manila, and the Philippine Amusement at Gaming Corporation (PAGCOR).

Ayon kay Gastanes, target ng PFF na maglaro sa hindi bababa sa 10 friendlies, at idinagdag na maglalaro ang mga Pinay sa isang South American country sa susunod na buwan.

“We cannot inform you the name of the country yet, because we have stipulated that we will announce it jointly. But it’s a South American country, it has been in the World Cup, and it’s been to the Tokyo Olympics,” ani Gastanes.

Sa official draw na ginanap noong nakaraang linggo sa Auckland, ang mga Pinay ay napunta sa Group A kasama ang Norway, Switzerland, at host New Zealand.

Naniniwala si Mariano na ang mga Pinay ay may ‘fighting chance’.

“We’re happy with the draw. We’ll move forward from this kung ano pa ang dapat nating i-prepare,” anang PFF chief.

Ang Pilipinas ay isa sa limang bansa na sasabak sa World Cup sa unang pagkakataon at nangako ang PFF na gagawin ang lahat gaano man kabigat ang hamon.

“A win in the World Cup is something. And that’s what we want the team to have, a winning attitude,” ani Mariano.

“If we survived the Round of 32, then we move to the Round of 16, and that itself is an excellent achievement for a first timer in the World Cup.”