PINAY JUDOKA TODO ENSAYO SA TOKYO

Kiyomi Watanabe-2

DAHIL sa kanyang natatanging ga­ling at malawak na karanasan mula sa iba’t ibang torneo, kasama ang Grand Slam Judo na ginawa sa France, Austria at China kung saan nag-uwi siya ng medalya, inaasahang muling kikinang si Filipino-Japanese  Kiyomi Watanabe sa darating na 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Nob­yembre 30 hanggang Disyembre 11.

Dinomina ni Watanabe ang 63kg. division sa SEA Games mula 2013 hanggang 2017 matapos na manalo ng pilak sa una niyang pagsabak noong 2011 sa Indonesia sa gabay ni Japanese coach Yazaki Yuta.

Kumpiyansa si Philippine Amateur Judo Association president Dave Carter na muling magtatagumpay ang battle-tested judoka dahil sa kanyang natatanging  ga­ling na minana niya sa kanyang blackbelter na ama na si Shegeki.

“Watanabe possesses the fine qualities not found from other judo athletes in the region. I am confident she will do it again like she did in three previous SEA Games,”sabi ni Carter.

Si Watanabe, ayon kay Carter, ay regular na nag-eensayo sa Tokyo kung saan siya nakatira kasama ang Pinay na ina na taga-Mandaue na si Irene Sarausap.

“She’s in deep training in Tokyo under her Japanese coach. Babalik si Watanabe sa Pinas isang buwan bago mag-SEA Games,” ani Carter.

Bukod sa SEA Games at Asian Games, puntirya rin ni Watanabe na makasali sa 2022 Tokyo Olympic Games.

“Watanabe has to earn many points and figure prominently in the qualifying tournaments,” sambit pa ni Carter.

Nasa top 16 ranking si Watanabe at kailangan niyang mapanatili ang kanyang ranking para makapaglaro sa Tokyo.

Si Watanabe ay kasama sa priority athletes ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez. CLYDE MARIANO

Comments are closed.