PINAY KULONG SA IMMORALITY AT INFANTICIDE

SAUDI ARABIA – ISANG Pinay domestic helper ang nakakulong ngayon nang kasuhan ng immorality at infanticide o pagpatay sa kapapanganak na anak.

Ayon sa Kaagapay Ng Bawat OFW Advocates, isang NGO na tumutulong sa mga distressed Filipino expatriates, na nagpaalam sa media na nabuntis si Donna, hindi tunay na ­pangalan nang ito ay gahasain.

Sa takot ay hindi nito ipinaalam sa kanyang employer sa Albaha, western region ng Saudi Arabia, ang sinapit subalit hindi niya alam na nabuntis siya hanggang manganak noong ­Pebrero.

Humingi naman ng tulong ang NGO sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs at sa Department of Labor and Employment para magbigyan ng legal assistance si Donna.

Samantala, pinuntahan na ni Vice Consul Lemuel Lopez, head ng Assistance to Nationals (ATN)  ng Philippine Consulate sa  Jeddah si Donna at narinig na rin ang panig nito hinggil sa nasabing kaso.

Iginiit naman ng amo ni Donna na nakita niyang nanganak ang kanilang kasambahay at sa pagkabigla ay tinawag nito ang mga anak subalit pagbalik niya ay nakita na niyang ibinalot ng Pinay ang bagong panganak na sanggol sa malong na wala nang buhay.

Isinugod pa umano sa ospital ang sanggol subalit namatay na ito.

Sinabi ni Lopez na kapag napatunayang sinadyang patayin ni Donna ang anak ay mahaharap ito sa parusang kamatayan.    AIMEE ANOC

Comments are closed.