PINAYAGAN na ng pamahalaan ang partial deployment ng overseas Filipino workers sa Ethiopia, ayon kay presidential spokesperson Martin Andanar.
Sa isang briefing sa Palasyo, sinabi ni Andanar na nag-isyu ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng isang resolution makaraang ibaba ang alert level sa Ethiopia sa 2 mula sa 4.
“Government has partially lifted the ban on the deployment of OFWs to Ethiopia based on board resolution made by the POEA. This after the Alert Level in Ethiopia was lowered from 4 to 2,” aniya.
Magugunitang nagpatupad ang POEA noong November 2021 ng total deployment ban sa Ethiopia makaraang ipagbigay-alam ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang Crisis Alert Level ay itinaas sa Alert Level 4.
Ayon sa POEA, sa ilalim ng Alert Level 4 ay ipinag-uutos ang paglikas at mandatory repatriation ng mga Pilipino.
Ang total deployment ban ay ipinatupad dahil sa conflict sa pagitan ng Tigray People’s Liberation Front (TPLF) at ng Federal Government of Ethiopia.