PINGRIS IPINA-TULFO ANG CONTRACTOR NG IPINAGAWANG POULTRY SA PANGASINAN

on the spot- pilipino mirror

NAPANOOD ko kamakailan ang pagdulog ni Marc Pingris kay Mr. Raffy Tulfo kung saan inireklamo nito ang isang engineer na contractor ng ipinagawa niyang poultry sa Panga­sinan.

May 2 taon na ang nakararaan at may naiwang utang sa kanila ang nasabing contractor na nagkakahalaga ng P500,000. Naghanap ng ibang contractor si Pingris dahil nabagalan ito sa paggawa ng poultry. Kung ‘di ako nagkakamali ay nasa P250k na lang ang utang ni Engr. Nagpatayo ng ganitong klaseng negosyo si Marc sapagkat alam niya na hindi habambuhay ang paglalaro ng basketball. Kaya payo niya sa kapwa niya mga player, habang malakas ay mag-ipon at magtayo ng negosyo upang sa pagreretiro ay may pagkakitaan. Kaya nga SALUDO si Mr. Tulfo kay Pingris sa ipinayo niya sa kapwa niya mga player. Posible kasing magretiro na si Marc sa susunod na taon.

o0o

Nais na nga ba ni Fil-Canadian Matthew Wright na layasan ang kampo ng Phoenix Pulse Fuel Masters? Ang siste ay napi-pressure siya kay coach Louie Alas.  Ang tanong, payag naman kaya ang management sa gustong gawin ni Wright? Matagal na raw kasing hindi nagkakasundo ang player at si coach Alas. Ito kaya ang dahilan kaya hindi maganda ang mga nagdaang laro ni Wright? Dahil problemado siya sa kanyang head coach? Sakaling pumayag ang Phoenix management, saan naman kaya ito puwedeng i-trade?

Tsika namin, interesado ang Alaska Aces na makuha ang kalibre ni Wright. Sino naman kaya ang ibibigay ni coach Jeff Cariaso kapalit ni Wright? Siyempre ay hindi basta-basta pakakawalan ng Fuel Masters ang Fil-Canadian, kailangan ay kasing husay nito ang kapalit

o0o

Dahil sa COVID-19 pandemic ay maraming natutong maghanapbuhay at dumiskarte upang MABUHAY ang kanilang mga pamilya. Tulad na lamang ng ilang players na nag-o-online selling ng pagkain at delivery boy ng kanilang mga produkto. Isa  na rito ang dating PBA player na si Ronnie Matias na nagde-deliver ng mga paninda nila. Ayon kay Matias, hindi niya ikinahihiya ang pagiging  delivery boy. Bukod kay Matias, nandyan din sina Hesed Gabo, Jay Collado, Lordy Casejeros, at iba pa na pawang mga player ng MPBL. Si coach Mark Herrera ng AMA Online Education  ay masipag ding mag-deliver ng produkto nilang ibinebenta. At kami ay nag-o-online selling ng ulam at merienda sa lugar namin. Hindi masama ang maging delivery boy or girl basta may kita sa mabuting paraan.

Comments are closed.