PINOY CUE ARTISTS PALABAN SA SEAG

on the spot- pilipino mirror

DAHIL ‘Luz Valdez’  ang Brgy. Ginebra at nasipa sa Philippine Cup ng sister team Magnolia Pambansang Manok, bakasyon grande muna ang tropa  ni coach Tim Cone. Posibleng umuwi si Scottie Thompson sa Digos, Davao, habang ang ibang players ay tumungo sa Boracay na paboritong pasyalan kapag ganitong summer. Si Japeth Aguilar naman, marahil, ay tutulong sa pangangampanya ng kanyang ama na kumakandidato sa Sasmuan, Pampanga bilang vice mayor.

Masakit para sa mga player ng Gin Kings na malaglag at hindi makapasok sa semifinals. Pangarap pa naman nilang makapaglaro sa finals dahil All-Filipino ito. Marahil ay hindi pa panahon. Darating din ang tamang oras na lalaro sa finals ang mga bataan ni coach Tim.



Ikinalungkot  ni World Women’s 9-Ball champion Rubilen Amit na nawala ang kislap ng bilyar na iti­nuturing na isport na pang-masa. Marami ang hindi nakaaalam na nagbibigay ito ng karangalan sa bansa.

“Billiards remained a force to reckon with sa international scene. Carlos Biado won the world title in 2017 at muntik na niyang makuha ‘yung back-to-back last year, medyo kinapos lang. Right now despite the success of Filipino players sa abroad, bumaba talaga ‘yung popularity ng sports,” pahayag ni Amit, tanging Pinay na two-time world champion sa World Pool Association (WPA).

“Hindi naman nawawala ‘yung kasikatan nina Bata Reyes, ‘Django Bustamante at iba pang billiards player natin.  Nawala lang ‘yung ingay dahil na rin sa kakula­ngan ng local tournaments.  Medyo ‘yung mga sponsor sa sport  namin, nagpapahinga po yata,” pabirong pahayag ng 30-anyos na pambato ng Mandaue, Cebu.

Ayon kay Amit,  handa siyang magturo sa mga kabataan, lalo na yaong mahihilig maglaro ng bilyar. “Kahit po one-on-one tutorial payag po ako. Libre po ito at walang gagastusin ang nais na matuto ng billiards. Araw-araw po ang training naming at after ng ensayo puwede ko po silang maturuan. Sa ganitong paraan, hopefully, mabalik ‘yung interest ng masa sa sport namin,” sambit ni Amit sa kanyang pagbisita nitong Huwebes sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Manila.

Kasama niyang bumisita sa lingguhang sports forum ang bagong national billiards team member  na si Floriza Andal, gayundin ang mga miyembro ng Filipinas Lady Warriors – bagong tatag na women’s wheelchair basketball – na kinabibilangan nina coach Vernon Perea, assistant coach Harry Solanoy,  manager Nina Castro at players Patricia Castro, Cecilia Naceno, Kimberly Dongayo at Jean De Los Reyes.

Sumabak ang grupo sa International Wheelchair Basketball Federation (IWBF) Women’ s Camp kamakailan sa Suphanburi, Thailand.

“First time ko po sa National Team at pipilitin ko po na manalo sa SEA Games,” pahayag ni Andal, dating miyembro ng snooker squad.

Sasabak si Andal, kasama ang beteranong si Irish Ranola, sa doubles event, habang ka-tandem ni Amit ang batang kampeon na si Chezka Centeno.

“Hopefully, ma-sweep namin ‘yung tatlong event sa women’s billiards. Masaya kami kung all-Pinoy ang finals,” dagdag ni Amit, runner-up kay Ranola sa 2017 SEAG edition sa Malaysia.

Comments are closed.