PINOY GOLFER ATAT NANG HUMAMBALOS

HANOI – Atat na at nangakong magpapasiklab si Rianne Mikhaela Malixi sa pinakamalaking laban niya para sa Pilipinas sa pagsiklab ng 31st Southeast Asian Games 2022 women’s golf sa Heron Lake Golf Course sa Vinh Phuc, Vietnam ngayong Biyernes ng umaga.

Kasama ng 15-anyos na golf prodigy at suportado ng ICTSI sina Lois Kaye ‘LK’ Go at Maria Rafaella ‘Mafy’ Singson na magdedepensa ng koronang napanalunan noong 2019 PH SEA Games sa Luisita sa TarlAc.

“It will be exciting. I’ll play my best for the team,” sabi ni Malixi.

“This is the biggest for me so far, playing not for myself but for our country. By playing my best, it’s like I’m paying a tribute to our flag. I’m looking forward to hearing our national anthem at the end of the tournament.”

Pero magpapasakit sa ulo ng Pilipinas, Singapore, Malaysia at host Vietnamese ang Thai team na may malulupit na three-time Thai Ladies Professional Golf Association Tour champ Narkitta Wongthaveelap, King Rama VII Cup winner Pimkaw Nakpracha at Ella Galitzky.

Nanawagan si Malixi ng panalangin ng bawat Pinoy para sa tagumpay ‘di lang ng golf kundi ng buong delegasyon ng bansa na kinakalinga ang paglahok dito ng Philippine Sports Commission (PSC).

Sinabi naman ni national coach Miko Alejandro na hindi pressured ang Pinay shotmakers kundi motivated lang, maging ang men’s team nina Jet Hernandez, Jed Dy, Kristoffer Arevalo at Gab Manotoc na may misyong mabawi ang titulo.