MANDALUYONG CITY – PINAG-IINGAT na ng Philippine Overseas Employment Administration ang mga Filipinong nurse na naghahanap ng trabaho sa Germany sa ilalim ng Triple Win Project kaugnay sa mga online illegal recruitment activities.
Ayon sa ulat na nakarating sa POEA, lumalabas na mayroong isang website na pinatatakbo ng mga illegal recruiter na nangangako ng mga trabahong pang-Nurse sa nasabing bansa.
Nagbabala na si POEA Administrator Bernard P. Olalia sa mga jobseeker na huwag basta basta magsumite ng kanilang aplikasyon maging magbigay ng kanilang mga personal na impormasyon sa pamamagitan ng online at sa halip ay ipadala mismo ang kanilang mga dokumento sa Manpower Registry Division ng POEA.
“Ang Triple Win Project ay isang joint initiative sa pagitan ng Filipinas at Germany upang tulungan ang mga kuwalipikadong nurse sa bansa na makapagtrabaho sa Germany. Ang buong recruitment at proseso ng deployment ay ginagawa dito sa Filipinas at pinamamahalaan ng POEA at hindi ng ibang agency na hindi awtorisado na mag-recruit,” wika ni Administrator Olalia.
Pinapayuhan naman ng POEA ang lahat ng mga aplikante na lubhang mag-ingat sa mga illegal recruiter at mag-report agad sa POEA Anti-Illegal Recruitment Branch sa 722-11-92 o sa POEA Hotline number 722-11-44 o 722-11-55 kung may makasalamuha silang illegal recruitment activity. PAUL ROLDAN
Comments are closed.