TUMULAK patungong Fukuoka, Japan ang Philippine swimming team, sa pangunguna ni two-time Olympian Jasmine Alkhaldi, para sumabak sa 17th World Aquatics Championship na gaganapin sa Hulyo 23-30.
Ang 30-anyos na US-educated swimmer ay kuwalipikadong lumahok sa torneo kasama sina Southeast Asian Games record holders Xiandi Chua, Thanya Dela Cruz, Jerard Jacinto at US-based Jarod Hatch.
Si Olympian Ryan Arabejo ang itinalagang coach ng kauna-unahang koponan na lalahok sa international arena sa ilalim ng pamunuan ng World Aquatic-backed Philippine Swimming, Inc. (PSI) na pinamumunuan ng bagong halal na presidente na si Miko Vargas at Secretary-General Batangas Rep. Eric Buhain.
“The presence of the world’s top swimmers makes this tournament a fierce competition, no doubt about it. But our athletes are out to experience the atmosphere in a high-level tournament, try to improve their personal best time, and sharpen their skills,” pahayag ni Buhain, itinuturing na swimming icon at Philippine Sports Hall of Famer.
“Objective is to get the highest World Aquatics Points through their best performance and get a chance to compete in the Paris Olympics.
We’re hoping for the best for our swimmers,” ayon kay Buhain.
Kuwalipikado ang mga Pinoy sa taunang event batay sa kanilang FINA points na nakamit mula sa mga nilahukang torneo na may basbas ng World Aquatics.
PInakabeterano sa grupo si Alkhald na sasabak sa 50m freestyle kung saan mayroon siyang personal na best time na 27.02, gayundin sa 100m butterfly na may pinakamahusay na oras na 1:00.45 na naitala niya sa pagwawagi ng silver medal sa Cambodia SEA Games nitong Mayo.
Ang 21-anyos na si Chua, na nagsanay sa Australia bilang bahagi ng kanyang paghahanda para sa Sea Games, ang pambato ng bansa sa 400m medley at 200m backstroke kung saan siya ay may pinakamalakas na tsansa kung isasaalang-alang ang progreso ng kanyang performance mula noong siya ay bumalik.
Mula sa pagsasanay sa Down Under, ayon sa kanyang personal trainer/coach na dating Olympian na si Pinky Brosas.
“Considering the progress of her time since her Australia training, maganda ang prospect ni Xiandi,” ani Brosas.
Nanalo ang Ateneo student ng gintong medalya sa Cambodia sa impresibong oras na 2:13.20 para wasakin ang SEA Games record na 2:13.64 na naitala ni Nguyen Thi Anh Vien ng Vietnam sa women’s 200m backstroke sa 2017 edition sa Jakarta.
Binura niya ang kanyang 4:56.82 na tiyempo sa Australia meet sa kahanga-hangang 4:52.08 oras para makamit ang bronze sa SEAG.
Umaasa rin ng malaking pagbabago sa performance ni Thanya Dela Cruz na lalahok sa 50m at 100m breastroke, habang ang 23-anyos na si Hatch ay nagsisikap na mapabuti ang kanyang SEAG bronze medal time sa 50m butterfly (23.89) at 100m fly (52.91), pati na rin ang kapwa SEAG bronze winner na si Jacinto sa 50m backstroke (25.56) at 100m back (55.99).
–EDWIN ROLLON