SUMUNGKIT si Daniella Dayanata ng dalawang ginto at isang pilak, habang nadominahan nina Edward Francis Obiena at Ralph Humphrey Landicho ang kanilang paboritong event sa Hong Kong Inter-City Athletics na ginanap sa Tseung Kwan Sports Ground.
Nangibabaw si Dayanata sa shot put sa record na 10.60 meters at sa javelin throw sa 40.80 meters, at nakopo niya ang pilak sa discuss sa 36.58 meters sa women under 20 division.
“Pinaghandaan ko ito dahil ayokong mabigo sa una kong pagsali at higit sa lahat, gusto kong bigyan ng karangalan ang bansa. Masaya ako nagawa ko,” sabi ni Dayanata.
Tinalo naman ni Obiena ang kanyang mga katunggali sa pole vault sa talon na 4.35 meters sa men under 20, habang nakuha ni Landicho ang ginto sa pole vault sa taas na 3.90 meters sa men under 18. Inangkin ng isa pang Pinoy, sa katauhan ni Hokette de los Santos, ang pilak sa 3.80 meters.
Si Dayanata ay beterano ng Palarong Pambansa, habang sina Obiena, Landicho at De los Santos ay sumabak sa nakaraang National Open Athletics na inorganisa ng Philippine Athletics Association (PATAFA).
“Our participation in Hong Kong was very productive. We sent four athletes and all of them won medals,” sabi ni coach Emerson Obiena.
“Competition was tough because of the participation of China, Japan and Korea. Inspite of tremendous opposition, our athletes won medals,” wika pa ni Obiena na dating pole vaulter at nanalo ng maraming medalya sa international competitions.
Ang Filipinas at Thailand ang may pinakamaliit na delegasyon na may tig-apat kumpara sa China na may 50, Korea at Chinese Taipei na may tig- 40, Singapore na may 30, at Japan at Malaysia, 10. CLYDE MARIANO
Comments are closed.