UMAKYAT na sa mahigit P700 million na halaga ng agricultural commodities ang winasak ng bagyong Agaton, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa typhoon bulletin ng ahensiya hanggang alas-3 ng hapon ng Abril 15, ang pinsala sa agrikultura ng bagyo ay nasa P703.3 million.
Ang bagyo ay nakaapekto sa 11,666 magsasaka na may volume of production loss na 40,850 metric tons (MT) at 17,530 ektarya ng agricultural areas sa Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen at Caraga.
Ang apektadong commodities ay kinabibilangan ng bigas, mais, high value crops, at livestock.
“These values are subject to validation. Additional damage and losses are expected in areas affected by Agaton,” ayon sa DA.
Ang bigas ang pinakaapektadong commodity na may total volume ng production loss na 39,478 MT na nagkakahalagang P660.6 million at 17,013 ektaryang agricultural areas na napinsala.
Sumusunod ang high-value crops, tulad ng mga gulay, cacao, at prutas na may kabuuang volume loss na 491 MT na nagkakahalaga ng P21.5 million at may 109 ektarya na apektado.
Ang pinsala sa mais ay nasa P21.1 million na may total volume na 881 MT at 408 ektaryang apektado.
Ang livestock and poultry ay nagtamo ng P48,100 halaga ng production loss, na kinabibilangan ng 275 heads ng manok, baboy, itik, at kambing.