UMAKYAT na sa P333.4 million ang halaga ng pinsala ni Super Typhoon Odette sa agrikuktura, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ito ay makaraang madagdagan ng P157 million na halaga ng damage and losses hanggang kahapon ng alas-11 ng umaga ang P176.4 million na naitala noong Linggo ng hapon, Disyembre 19.
Ang numero ay kinabibilangan ng 19,640 metric tons (MT) at 23,198 ektaryang agricultural areas, na nakaapekto sa 12,750 magsasaka sa Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Central Mindanao, Davao, at Caraga.
Ang mga apektadong commodities ay kinabibilangan ng rice, corn, high value crops at fisheries.
“The DA continuously coordinates with concerns NGAs, LGUs, and other DRRM-related offices for the impact of Odette, as well as available resources for interventions and assistance,” ayon sa DA.
Sinabi ng ahensiya na magkakaloob din ito ng P1.35-billion na halaga ng ayuda sa mga apektadong magsasaka at mangingisda, kabilang ang P1 billion na quick response fund, P148 million na rice seeds, P100 million sa ilalim ng Survival and Recovery Assistance Program, P1.64 million na fingerlings at assistance sa fisherfolk, P625,150 halaga ng gamot at biologics, at available funds mula sa Philippine Crop Insurance Corp.
Ang bagyong Odette ay lumabas sa Philippine Area of Responsibility Sabado ng hapon makaraang manalasa sa bansa.