BULACAN – ISANG pintor na kabilang sa most wanted person (MWP) at nagtatago sa kasong frustrated murder ang nadakip ng pulisya makaraang silbihan ng seach warrant ng Bulacan-PNP 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang tinitirhan nito at makumpiskahan ng dalawang baril, mga bala at shabu sa Barangay Bulihan, Malolos City kamakalawa.
Base sa report ni P/Col. Chito Bersaluna, Bulacan police director, kay P/Brig.Gen. Rhodel Sermonia, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3)nakilala ang nasakoteng suspek na si David John Acelajado y Limano alyas Davo, 32, may-asawa, at may tirahan sa Barangay Bulihan, Malolos City na bukod sa kasong frustrated murder na may rekomendadong P200,000 piyansa ay mayroon pang ibang kasong kinakaharap.
Nabatid na nagsagawa ng surveillance operation ang operatiba ng 1st PMFC ng Bulacan-PNP sa suspek at nang makakuha sila ng search warrant ay inihain nila ito sa tinitirhan ng suspek dahil sa impormasyong nagtatago ito ng baril at gumagamit ng shabu at kaharap ang kinatawan ng DOJ, media at barangay officials ay naghalughog ang awtoridad sa tatlong palapag na tirahan nito sa Barangay Bulihan, Malolos City.
Dito na narekober ang isang undocumented pump action shotgun na may tatlong bala, isang caliber 38 revolver na may 16 na bala, tatlong pakete ng shabu, at drug paraphernalias at nang imbestigahan ng tracker team ng pulisya ang record ng suspek ay dito nadiskubreng mayroon siyang tinataguang kaso kaya patong-patong na kasong kriminal ang kanyang kinakaharap. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.