PINAPURIHAN ni Speaker Martin Romualdez ang walang humpay na kampanya ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan laban sa smuggling kung saan pinasalamatan din niya ang mga ito sa pagtugon sa kanyang panawagan na tugisin ang mga pinaghihinalaang nasa likod ng hoarding ng agri-products, partikular ang sibuyas at bawang.
Pagbibigay-diin ng lider ng Kamara, ang mga hoarder at profiteer ang silang nagpapahirap sa taumbayan at dahilan na rin sa pagsipa ng inflation.
Ginawa ni Romualdez ang pahayag matapos iulat ng inter-agency task force, sa pangunguna ng Bureau of Customs (BoC), ang naging resulta ng kanilang kampanya kontra onion and garlic hoarding.
Bunso nito, sinabi ni Romualdez na inaasahan nila na magtutuloy-tuloy ang kampanya laban sa mga mapagsamantalang hoarder.
Muli namang inihayag ng liderato ng Kamara na handa itong “pugutan” ang mga mapagsamantalang trader kapag hindi itinigil ang kanilang mga ilegal na gawain na nagpapahirap sa mga Pilipino.
Ipinananawagan din ni Romualdez ang pagsasagawa ng crackdown upang protektahan ang kapakanan, hindi lamang ng mga konsyumer kundi maging ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay katiyakan na mapananatili ang sapat na suplay ng local industry ng sibuyas at bawang.
ROMER R. BUTUYAN