INAGAWAN ng eksena ng Pioneer Elastoseal ang Leg 2 winner Cavitex at kinuha ang Pool A No. 1 seeding sa quarterfinals ng PBA 3×3 Season 2 First Conference Leg 3 nitong Sabado sa Robinsons Place Las Pinas.
Naungusan ng Katibays ang Braves, 16-15, sa likod ng 7 points ni Reggie Morido at 5 ni Gian Abrigo, pagkatapos ay sumandal sa 10-point explosion ni Christian Rivera upang kunin ang 2-0 kontra Terrafirma, 19-17.
Umabante sina Morido, Abrigo, Rivera at debuting Clint Doliguez ng Pioneer sa Last-8 ngayong Linggo at magtatangka para sa isang semis berth versus second-ranked team mula sa Pool C, ang TNT Tropang Giga (1-1).
Umusad din sina Braves crew Bong Galanza, Tzaddy Rangel, Jorey Napoles at Dominick Fajardo sa KO stages bilang No. 2 qualifier mula Pool A na may 1-1 record.
Wala ring talo ang San Miguel Beer, Platinum Karaoke at Meralco 3×3, na nanguna sa Pools B, C at D, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ginapi ng Beermen, sumandal sa mainit na shooting nina Wendell Comboy at Jeff Manday, ang Ginebra, 21-14, at Blackwater, 21-12 para sa B1 position.
Kinuha ng Gin Kings ang B2 makaraang makabawi sa 18-17 panalo kontra Red President.