BUMAGSAK ang Philippine peso sa bagong all-time low kontra US dollar sa ikatlong sunod na trading day, ayon sa datos mula sa Bankers Association of the Philippines (BAP).
Ang piso ay nagsara sa P57:$1 nitong Martes, Sept.6, makaraang magsara sa P56.999 noong Lunes, at sa P56.77 noong nakaraang Biyernes.
Naunang sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla na ang currency depreciation ay nangyayari sa buong mundo dahil sa malakas na dolyar.
Ang US dollar ay patuloy na lumalakas kontra karamihan sa regional currencies dahil sa pagtaas ng interest rates sa Amerika.
“Still on USD strengthening on Fed hike signals, plus import season is starting so more demand for USDs locally,” wika ni Security Bank chief economist Robert Dan Roces.
Mas marami ang inaangkat ng bansa sa huling bahagi ng taon para sa Christmas holidays, at kadalasan itong sinasamahan ng mas malaking remittances mula sa overseas Filipinos.
“Peak remittance season is coming up, so it may help cap the weakening,” ani Roces.
“However, this still depends on how strong the USD will get given the Fed’s hike pace,” dagdag pa niya.