BUNSOD ng umiiral ng pangamba sa COVID- 19 pandemic, kanselado na ang tradisyunal na Traslacion ng Poong Itim na Nazareno subalit tuloy naman ang pagdiriwang ng kapistahan ng Quiapo sa Enero 2021.
Ayon sa pahayag ni Quiapo Church Parochial Vicar Fr.Douglas Badong, maaring hindi matuloy ang tradisyunal na Traslacion ngunit may-roon silang plano upang sa gayon ay matuloy pa rin ang selebrasyon ng Kapistahan ng Quiapo.
Isa sa naiisip ng pamunuan ng Quiapo, ang pagsasagawa ng motorcade at ang ruta ay sa main road lamang kung papayagan ng IATF at kung matitiyak ng mga panatiko ang disiplina na sumunod at manatili lamang sa isang tabi habang dumadaan ang Nazareno upang mapanatili ang social distancing.
Paliwanag ni Fr. Badong, malaking pagbabago ang magaganap sa Kapistahan ng Quiapo dahil na rin sa pandemya, lalo pa at nagdesisyon na rin si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” na hindi papayagan ang dating pamamaraan ng pagdiriwang.
Subalit, ayon kay Fr. Badong na hindi naman ibig sabihin na wala ng selebrasyon.
Ayon sa pari, may mga paraan paano ipagdiriwang ang Kapistahan ng Quiapo at kung papaano isasagawa ito ay mayroong ilang rekomendasyon sa IATF kung papayagan o hindi.
Sakali namang payagan ng IATF, ang motorcade kung saan nasa sasakyan lamang ang Nazareno ay kanila namang paghahandaan at ng mga hijos upang hindi ito dumugin ng mga deboto at sampahan tulad nang nangyari sa nagdaaang prusisyon.
Sinabi rin ni Fr. Badong na malabo na ring mangyari ang “pahalik” sa Luneta kaya naman gagawa sila ng alternatibo kung saan maaring makalapit ang mga panatiko sa nazareno ngunit hindi maaring makahalik at humawak.
Paiigtingin din ang misa ng hanggang 24 oras kung kakayanin ng Simbahan sakaling hindi talaga payagan ang motorcade.
Bukod dito, maglalagay ng mga stations sa palibot ng Quiapo at magkakaroon ng altar. Maglalagay din ng screen upang mapanood ang misa sa Quiapo na hindi na kailangan dikit –dikit ang mga pananampalataya.
Umaasa naman si Fr.Badong na madesisyunan na ng IATF ang kanilang rekomendasyon upang sa gayun ay mapaghandaan ng Simbahan. PAUL ROLDAN
Comments are closed.