PLANET VS. PLASTICS: ANG TEMA NG EARTH DAY 2024

(Pagpapatuloy…)
Ang Earth Day na itinatag noong taong 1970 ay naging isang pandaigdigang kaganapan na nagpapakita ng kagyat na pangangailangan na protektahan at ingatan ang ating planeta. Para sa taong ito, 2024, ang International Earth Day (April 22) ay may mahalagang tema: “Planet vs. Plastics” o ang mundo laban sa plastik. Ito ay nagbibigay-diin sa layunin na makamit ang 60% na pagbawas sa plastik sa taong 2040, magbigay-aral sa publiko tungkol sa masamang epekto nito sa ating biodiversity, at magpanukala ng mga patakaran at teknolohiya upang magkaroon tayo ng isang mundo na walang plastik.

Kahit na ang mismong araw ng Earth Day ay nakalipas na nitong Lunes lamang, maaari (at kailangan) pa rin naman ang tuloy-tuloy na pagkilos upang suportahan ang panawagan patungkol sa paggamit ng plastik dahil ang plastic pollution ay sumisira ng ating mga mga ecosystems, wildlife, marine life, at kalusugan ng tao.

Bukod pa rito, kontaminado ang mga daanan ng tubig, lupa, at hangin, na siyang nagpapalala sa pagkasira ng kalikasan.

Ang tema ng Earth Day para sa taong ito ay sumusuporta sa kolektibong pagsisikap upang bawasan (reduce), gamiting muli (reuse), at mag-recycle ng mga basurang plastik.

Ito rin ay nagtataguyod ng mga malikhaing solusyon upang baguhin ang mga produkto, itaguyod ang mga alternatibong sustainable, at ipatupad ang mga epektibong paraan patungkol sa waste management. Ang mga inisyatiba para sa Earth Day ay nakatuon sa pagpapataas ng kamalayan tungkol sa mga epekto ng plastic pollution at pagbibigay-kakayahan sa bawat tao upang gumawa ng makabuluhang pagkilos sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Ang mga negosyo ay may malaking papel na ginagampanan dahil sila ay hinahamon na gumawa ng mga hakbang patungo sa sustainability, bawasan ang paggamit ng plastik sa kanilang packaging, at mamuhunan para isulong ang mga tinatawag na circular economy models.

Hinihikayat din ang mga pamahalaan o gobyerno sa buong mundo na magpasa ng mga patakaran upang ma-regulate ang paggamit ng single-use plastics, itaguyod ang imprastruktura para sa pag-rerecycle ng plastik, at papanagutin ang mga mapapatunayang may sala.