PLATINUM KAMPEON SA LEG 5 NG PBA 3×3

KUMINANG ang Platinum Karaoke na parang ginto nang pataubin ang Cavitex sa come-from-behind win, 17-15, at kunin ang Leg 5 ng PBA 3×3 Third Conference Season 2 nitong Linggo sa Robinsons Place Las Pinas.

Si Yves Sazon ang ‘man of the hour’ para sa Platinum makaraang isalpak ang back-to-back deuces upang masungkit ang titulo at makumpleto ang matinding paglalakbay patungo sa ibabaw.

Tumapos si Sazon na may 8 points at 4 rebounds upang pangunahan ang tropa ni coach Anton Altamirano sa pagkopo ng top prize na P100,000.

Tumipa si Terrence Tumalip ng 4 points, at umiskor sina Brandon Bates at Nico Salva ng 3 at 2 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Platinum na sa wakas ay nanalo hg leg title ngayong conference matapos ahg runner up finish sa likod ng Barangay Ginebra sa Leg 4, dalawang linggo na ang nakalilipas.

Masaklap ang pagkatalo para sa Cavitex, na umabante sa malaking bahagi ng laro at tangan ang 15-13 kalamangan, may 60 segundo ang nalalabi sa laro.

Subalit ang jump shot ni Dominick Fajardo ang naging final basket ng Braves para sa laro at sinandigan ni Sazon ang panalo ng Platinum Karaoke.

Ang runner-up finish ay nagkakahalaga ng P50,000 para sa Cavitex, na nasira rin ang kampanya para sa back-to-back title.

Samantala, naungusan ng TNT ang Meralco, 21-20, sa duelo para sa third place.

Ang Tropang Giga ay nakakuha ng 7 at 6 points mula kina Samboy De Leon at Almond Vosotros, ayon sa pagkakasunod, sa pagkopo ng P30,000 premyo.

Iskor:
Third Place:
TNT (21) – De Leon 7, Vosotros 6, Mendoza 4, Flores 4.
Meralco (20) – Batino 9, Manday 5, Santos 3, Caduyac 3.
Finals:
Platinum Karaoke (17) – Sazon 8, Tumalip 4, Bates 3, Salva 2
Cavitex (15) – Napoles 6, Galanza 5, Fajardo 3, Rangel 1.