PMA CADET INATAKE SA BARRACKS

Ronnie Evangelista

ISANG kadete ng Philippine Military Aca­demy (PMA) ang nasawi dahil sa cardiac arrest secondary to hemorrhage sa loob mismo ng GFort Del Pilar sa Baguio City nitong Miyerkoles.

Kinumpirma ni PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista ang pagkasawi ni Cadet 4th Class  Darwin Dormitorio, 20-anyos, mula sa Cagayan de Oro City.

Subalit, tumanggi itong kumpirmahin na biktima ng hazing si Dormitorio at ito ang naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ayon kay Ltgen Evangelista, kasaluku­yan pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang PNP-Scene of the Crime Operatives at patuloy ang ginawang pagsisiyasat sa kaso habang inaantabayan ang resulta ng medikal.

Gayunpaman, hindi inaalis ang posibilidad na maaring biktima nga ng hazing ang kadete.

“Hindi, for now hindi natin puwedeng mai-rule out ‘yun kasi nga wala pa naman yung result ng medikal, hindi natin pupuwede maano ‘to, kung ano talaga ‘yung reason, siyempre technical na ‘yun, hindi na natin alam ‘yun, pagdating ng update ng medico legal doon lang natin malalaman,” paliwanag pa ng opisyal.

Nabatid na bukod dito ay nakiusap na rin ang pamilya ng biktima na huwag na gaanong isapubliko ang naganap sa kanilang anak.

Nabatid na umiinda umano ng pananakit ng tiyan at nagsusuka si Dormitorio habang nasa barracks sa Fort del Pilar.

Agad na isinugod sa ospital ang biktima ngunit kalaunan ay namatay din.

Tiniyak naman ng PMA na ang pangkalahatang kalusugan ng bawat kadete ay ikinokonsidera sa bawat aspeto ng kanilang pag-aaral at pagsasanay.

Samantala, sa nakalap na ulat ay may ilan umanong upper classmen at roommates ng biktima ang sinasailalim sa imbestigasyon. VERLIN RUIZ

Comments are closed.