CEBU CITY – Sinungkit ni swimming sensation Nicole Meah Pamintuan ang kanyang ika-4 na ginto sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Philippine National Games (PNG) kahapon.
Matapos dominahin ang 200m individual medley, 100m freestyle at 50m backstroke, nilangoy ni Pamintuan, tubong Sta. Rosa, Laguna at nag-aaral sa La Salle-Zobel, ang ika-4 na ginto 100m backstroke sa oras na 1:09.81, at nahigitan ang tatlong ginto na kinubra nina Kelsey Claire Jaudian, Camilo Russel Owen La Torre, at David Franco de la Rosa.
Ipinamalas ni Pamintuan, beterano ng ASEAN Age-Group, ang kanyang galing sa swimming kung saan walang awa niyang nilunod ang mga katunggali tulad ng ginawa niya sa Palarong Pambansa sa Antique na itinanghal siyang ‘Most Valuable Athlete’ sa naitalang perfect 7-of-7.
Namayani naman ang magkapatid na SEA Games veteran Filipino-Japanese na sina Shugen Nakano at Keisei Nakano at Bryan Quillotes sa judo, gayundin ang mga beteranong sina Marco Vilog at Archand Christian Bagsit sa athletics.
Dinomina ni Shugen ang minus 66kg, wagi si Keisei sa minus 73kg at nangibabaw si Quillotes, kapatid ni multi-titled Nancy Quillotes, sa minus 60 kg.
Ang ibang nanalo ay sina national athlete Helen Dawa sa minus 52kg, Filipino-Japanese Rena Furukawa sa minus 57kg at Jazlen Awitan sa minus 48kg.
Naghari si Vilog sa 800m sa oras na 1:56.05 at dinomina ni Bagsit ang 200m sa bilis na 22.80 upang umabante sa finals kung saan paborito siyang nanalo dahil sa kanyang malawak na karanasan sa SEA Games, Asian Games at mga torneo na ginawa sa Thailand, Singapore, Vietnam Malaysia, Chinese Taipei, India, China at Indonesia.
Hanggang presstime ay nangunguna ang host Cebu City sa medal race na may kabuuang 47 medalya (15-16-16), kasunod ang Baguio City (9-10-10), General Santos City (8-11-9), Zamboanga (8-1-4), (Mandaluyong) 7-3-3, Mandaue (7-3-2), Leyte Province (5-4-1) at Davao (4-6-12).
Ang PNG ay isa sa pinagbabasehan para sa mga atletang isasabak sa Asian Games na lalarga sa Agosto sa Indonesia. CLYDE MARIANO
Comments are closed.