PNG: MARTES SILAT KAY PEREZ

MAKARAANG manalo ng tatlong ginto sa PRISAA National Games ay muling gumawa ng pangalan si  Melody Perez nang gulantangin si dating SEA Games at marathon champion Christabel Martes sa 1500m sa idinadaos na Philippine National Games (PNG) sa Cebu City.

Itinanghal namang swimming wonder si Nicole Meah Pamintuan nang maitala ang perfect  5-of-5, habang napanatili ni Philippine record holder Harry Mark Diones ang kanyang dominasyon sa triple jump.

Mataas ang morale sa kanyang panalo sa 3000m, 5000m at 10000m sa katatapos na PRISAA National Games na ginawa sa Bohol, impresibong tinalo ni Perez si Martes sa pahabaan ng resistensya upang iposte ang pinaka­malaking upset sa athletics.

“Kabado dahil SEA Games at marathon champion at malawak ang karanasan sa labas. Hindi ko akalain na matatalo ko siya,” sabi ni Perez, 20, tubong Butuan at nag-aaral sa University of San Carlos.

Matapos angkinin ang 1500m, isinama ni Perez sa kanyang panalo ang 3000m steeplechase sa oras na 12:33.24. Tinalo niya sina silver medalist Sandi Abahan ng Baguio dumating sa 12:55.58 at Karla Cosep ng Lapu-Lapu na ibinulsa ang bronze sa oras na 15:38.22.

Kinumpleto ni Pamintuan ang perfect 5-of-5 nang sisirin ang ika-5 ginto sa  200m freestyle sa oras na 2:15.69 at kinuha ni Camilo Russel Owen La Torre ang ika-4 na ginto sa 200m freestyle sa 2:05.64.

Dinomina naman ni Diones, medalist sa SEA Games at Asian Indoor Games,  ang triple jump sa 15.94 meters. Ang kayang winning jump ay malayo sa kanyang Philippine record na 16.70 meters na naitala sa National Open noong nakaraang taon sa Isabela.    CLYDE MARIANO

Comments are closed.