PNP CHIEF, AIDE TINAMAAN NG COVID-19

MAGING si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Dionardo Carlos ay tinamaan ng COVID-19 at kasama siya sa 164 aktibong kaso nito hanggang kahapon, Enero 4.

Inamin ng heneral sa PNP Press Corps na nagpositibo siya sa nasabing virus kasama ang kanyang aide at bodyguard.

Aniya, noong Enero 2, sumailalim siya sa RT-PCR test kasama ang staff niya nang isa sa kanyang tauhan na naka-detail sa White House ay mayroong lagnat.

Dumanas ng ginaw subalit walang ubo si Carlos habang ang kanyang oxymeter ay 98.

Normal naman ang blood pressure, gayundin ang kanyang baga subalit idinadaing ni Carlos ang body ache.

Ipinaalam na ni Carlos kay Interior Secretary Eduardo Año at Senador Bong Go ang kanyang kondisyon.

Samantala, sa datos ng PNP-Health Service, 107 pa ang bagong kaso ng coronavirus disease, walang naitalang bagong recoveries at nanatili sa 42,081 habang ang kabuuang kaso na ay pumalo sa 42,370.

Nasa 215,916 na pulis na ang fully vaccinated, habang 8,702 pa ang naghihintay ng ikalawang dose at 1,492 pa ang hindi nababakunahan dahil sa pagkakaroon ng medical condition at dahil sa paniniwala. EUNICE CELARIO