CAMP CRAME – UPANG matiyak ang kaligtasan ng mga bisita partikular ang mga delegado at atleta, epektibo alas-8 ng umaga kahapon ay ipinatupad na ng Philippine National Police (PNP) ang full alert sa mga lugar na pagdadausan ng Southeast Asian Games (SEA GAMES) sa limang rehiyon.
Ayon kay PNP Spokesman B/Gen. Bernard Banac, ang mga ito ay ang Police Regional Offices sa Region 1, 3, 4A at National Capital Region.
Samantala, sinabi rin ni Banac na naka-heightend alert naman na ang iba pang rehiyon gayundin ang kanilang national support unit.
Magtatagal ang full alert status ng PNP sa mga nabanggit na rehiyon hanggang sa Disyembre 14, 2019.
Magde-deploy naman ang PNP-Highway Patrol Group ng 101 motorcycle units at 29 mobile patrol units.
Habang 175 naman ang magiging convoy sa mga delegado at handa rin ang mga ito para rumesponde sa mga contingency scenario, medical emergencies at nakabantay sa mga rutang daraanan ng mga kalahok sa nasabing sporting events.
Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay magde-deploy ng 22 motor units habang ang Police Security Protection Group (PSPG) ay nag-assign din ng 519 personnel para sa seguridad ng mga atleta, delegado at mga makikilahok sa nasabing international events. REA SARMIENTO
Comments are closed.