AABOT sa 200 miyembro ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang tutulong sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagsugpo sa mga illegal parking sa mga arterial road o iyong mga kalsadang kadalasang ginagamit papasok at palabas ng EDSA.
Sa Lunes ay sisimulan na ng HPG at MMDA ang panghihila ng mga sasakyan na nagka-ilegal parking sa tatlong barangay.
Ang tatlong barangay na umano’y notoryus sa illegal parking ay ang Barangay Bagong Lipunan, San Roque at Socorro na siyang itinuturing dahilan kung bakit mabigat ang daloy ng trapiko sa Santolan.
Ang MMDA at HPG ay magdadala ng 10 wrecker na siyang manghihila sa mga sasakyang naka-illegal parking sa tatlong naturang barangay.
“Alam naman nating volume talaga ang number 1 reason pero kasama rin dito ang undisciplined drivers so rito kami magko-concentrate,” ani HPG chief Brig. Gen. Eliseo Cruz.
Ayon kay Cruz, ang 200 HPG personnel ay magbibigay ayuda sa MMDA sa pagpapaigting ng kanilang anti-illegal parking operations.
Dagdag pa ni Cruz na parurusahan ang mga HPG official na makikipag-areglo sa mga violator.
Ayon naman sa MMDA, ipapahila nila ang mga sasakyang nakaparada na ng 5 minuto at kung makarating naman sa loob ng 5 minuto ang may-ari ng sasakyan ay titiketan lang ito.
Aabot sa mahigit P6,000 ang multa sa mga naka-illegal parking lalo na kapag ma-tow ito.
“This is not a miracle pill definitely, but this is a step closer for bringing back order on EDSA,” pahayag ni EDSA traffic chief Bong Nebrija. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.