PNP KINONDENA ANG PANANAMBANG SA 4 NA PULIS SA NEGROS ORIENTAL

Kimberly Molitas

CAMP CRAME – KINONDENA ng Philippine National Police (PNP) ang pananambang sa apat nilang tauhan ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP)-New People’s Army (NPA) sa Negros Oriental noong Huwebes.

Ayon kay PNP Deputy Spokesperson P/LtC. Kimberly Molitas, nagpaabot ng pakikiramay ang PNP sa pamilya ng mga napatay na sina PCpl. Relebert Beronio, Patrolman Raffy Callo, Pat. Roel Cabellon at Patrolman Marquino de Leon na pawang kasapi ng 704 Mobile Force Company sa ilalim ng 7th Regional Mobile Force Battalion.

Pasado alas-2:00 ng hapon noong Huwebes nang tambangan ng mga rebelde ang mga pulis sa Sitio Yamot, Brgy. Mabato, Ayungon sa nabanggit na lalawigan kung saan hindi pa nakontento sa pagpatay ang mga rebelde at sa halip ay ninakawan pa ang mga ito.

Tiniyak ng PNP na ipaaabot nila ang lahat ng tulong sa pamilya ng mga biktima para maibsan kahit na paano ang pagdurusang kanilang nararamdaman.

Dahil dito, sinabi ng PNP na walang puwang sa kahit na anong paraan ang pagbabalik ng  negosasyon  para sa usapang kapayapaan sa pagitan ng kinatawan ng pamahalaan at ng CPP-NPA dahil sa anila’y malinaw na pagtataksil sa mga alagad ng batas. REA SARMIENTO

Comments are closed.