(PNP, LGUs pinagbabantay ng DILG) STUDES BAWAL MUNA GUMALA

Eduardo Año

NANAWAGAN ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga magulang kasunod ng direktiba sa  Philippine National Police (PNP), sa lahat ng Metro Manila mayors at mga barangay official na siguraduhing huwag hayaan ang mga bata na makikita sa mga pampubliko at matataong lugar.

Bilang hakbang na maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) matapos na sang-ayunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na suspendihin ang klase sa Metro Manila mula kahapon, hanggang sa Sabado, Marso 14.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, iniutos ng pangulo ang pagtitiyak na walang mga bata ang makikita sa matataong lugar sa kasagsagan ng class suspension.

Kasabay nito, inatasan ni Año ang mga lokal na pamahalaan na suspendihin muna ang mga mass gathering.

Una rito nagbabala ang Department of Health (DOH)  na posibleg makulong ang sinumang magiging sagabal o hindi susunod sa mga hakbagin para maiwasan  ang pagkalat ng nakamamatay na coronavirus di­sease.

Sinabi ni Año na base sa pahayag ng Department of Education (DepEd) bibigyan naman ng homework ang mga mag-aaral habang walang pasok.

Kaugnay nito ay inatasan ni Education Sec. Leonor Briones ang mga guro at pamunuan ng eskuwelahan sa mga lugar na nagdeklara ng suspensiyon ng klase na tiyaking magpapatuloy ang learning process ng mga estudyante.

Ayon kay Briones, dapat bigyan pa rin ng assignment ng mga guro ang mga mag-aaral upang hindi masayang ang mga araw na suspendido na ang klase dahil sa COVID-19.

Ayon kay Briones, magi­ging epektibo lamang ang ilang araw na suspensiyon kung gagawin ng lokal na pamahalaan at ng mga magulang ang kanilang tungkulin na tiyaking mananatili sa mga bahay ang mga bata at hindi hahayaang lumabas at magtungo sa matataong lugar. VERLIN RUIZ

Comments are closed.