MAHIGPIT ang babala ngayon ng Philippine National Police habang papalapit ang Kapaskuhan, na maging maingat ang mamamayan lalo na ang mga online users at mga online shoppers sa kanilang mga online transaction.
Pinag-iingat ni PNP chief Police General Romel Francisco Marbil ang publiko sa kanilang mga online transaction lalo na ngayon holiday season na inaasahang sasamantalahin din ng mga scammer.
Mahalagang manatiling mapagmatyag ang bawat isa at iwasan ang pag-click sa anumang “suspicious links” ayon sa PNP.
Pinaalala rin niya sa lahat na iwasan ang malalaking cash transactions upang maiwasang mabiktima ng mga online scammer.
Patuloy namang nakatutok ang PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) sa mga sindikatong nasa likod ng online scams, ngunit sinabi ni Gen. Marbil na ang kamalayan at pag-iingat ng publiko ang pinakamahalaga.
Nagpaalala rin ang PNP ACG na huwag basta basta magki-click ng anumang ipinadadalang link lalo na at nagmula ito sa mga kahina-hinalang source, senders o redirect.
Hindi rin dapat magbibigay ng anumang personal information online kung hindi kilala o mapagkakatiwalaan ang humihingi.
VERLIN RUIZ