CAMP CRAME – PINAIGTING ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Oscar Albayalde ang seguridad sa pagbubukas ng Boracay Island kahapon.
Ito ay kasunod ng pagdagsa ng mahigit 6,000 turista sa unang araw ng pagbubukas ng isla kahapon.
Sa panayam kay Albayalde, sinabi nitong minabuti nilang dagdagan din ang mga pulis na naka-deploy roon upang matiyak na ligtas ang lahat.
Naging katuwang din ang mga pulis na magsisiyasat sa mga bagahe ng mga dagsang bakasyonista upang agad mapigil ang paghaba ng pila sa pantalan.
“Kaya minabuti natin na dagdagan ‘yung mga nagche-check dito lalo na ‘yung mga nagsisiyasat sa mga bagahe dahil kanina dumami bigla at humaba ang pila ng mga turista,” ayon kay Albayalde.
Nasabi rin ng heneral na mayroong 667 uniformed personnel habang mayroong augmentation force mula sa Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines na aabot sa 170.
Sa nasabing bilang, kasama na ang 400 personnel na organic sa Boracay Island na dati ay nasa 200 lamang.
Umaasa naman si Albayalde na maging ang mga hotel at iba pang establisimiyento sa Boracay ay may sariling measure para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga guest.
Tiniyak naman ng PNP chief na handa ang pulisya para sa araw-araw na pagdagsa ng turista sa Boracay. EUNICE C.
Comments are closed.