PNPA CADET, 4 PA NAG-COLLAPSE SA TINDI NG INIT

Mainit na panahon

CAVITE – PATAY ang isang 4th Class cadet ng Philippine National Police Academy (PNPA) matapos ma-stroke sa kasagsagan ng training sa loob ng Camp General Mariano Castañeda sa Silang.

Sa inisyal na ulat, namatay si Cadet Al-Rasheed Macadato, 21 anyos makaraang mag-collapse habang nagjo-jogging sa PNPA Oval.

Nabatid na bukod pa kay Macadato ay may apat na iba pang kadete na nag-collapse din nitong Martes ang itinakbo sa PNPA dispensary para sa first aid treatment.

Subalit grabe umano ang naging kondisyon ni Macadato  kaya kinailangang ilipat ito sa Qua­limed Hospital sa Sta. Rosa, Laguna  kung saan tuluyan na itong nasawi Miyerkoles ng umaga.

Nagrereklamo naman ang pamilya ni Macadato dahil hindi sila agad natawagan sa nangyari sa kanilang anak.

Pero ayon kay Police Lieutenant Colonel Byron Allatog ng PNPA, sinunod lamang nila ang standard operating procedure sa nangyari kay Macadato.

Kinumpirma naman ng mga attending physician na hindi hazing ang sanhi ng kamatayan ng kadete na nasa sampung araw pa lamang ng kanyang summer training

Ayon kay Police Brig. Gen. Jose Chiquito Malayo, PNPA director na paiimbestigahan niya ang insidente at ipasisilip din ang medical records ng biktima para malaman kung talagang fit itong sumailalim sa ma­tinding pagsasanay.

Nakahanda ang PNP na magkaloob ng tulong sa pamilya Macadato. VERLIN RUIZ/REA SARMIENTO/MHAR BASCO

Comments are closed.