LILIKHA ang Philippine Olympic Committee (POC) ng isang eksklusibong special incentive trust fund para sa national athletes na nagwagi ng medalya sa Southeast Asian Games, Asian Games at Olympics.
Inanunsiyo ni POC President Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang paglikha ng trust fund makaraang ipagkaloob ng POC ang mga tseke para sa incentives ng body sa medalists sa Vietnam 31stSoutheast Asian Games noong nakaraang buwan.
Ayon kay Tolentino, gagamitin ng POC bilang seed money ang P2 million na natira mula sa kabuuang P13 million na nalikom mula sa principal supporters ng body —Manuel V. Pangilinan’s MVP Sports Foundation, Ramon S. Ang’s San Miguel Corp. at Charlie Gonzales’s Ulticon Builders Inc.
“This trust fund is another milestone for the POC, it has never been done before and we are establishing the fund to motivate and inspire our athletes when they compete abroad,” sabi niTolentino, na pinamunuan din ang POC Executive Board meeting sa Knights Templar Hotel.
Ang financial incentives ng POC sa Vietnam SEA Games ay umabot sa kabuuang P11 million—P5.82 million para sa gold medalists, P3.2 million sa silver medalists at P1.97 million para sa bronze medalists.
May 227 Pinoy ang nagwagi ng medalya sa Vietnam—52 golds, 70 silvers at 105 bronzes.
“All donations from private corporations will automatically go to that incentive trust fund for athletes,” ani Tolentino.
– CLYDE MARIANO