POE, TUTOL SA PAGPAPABABA SA EDAD NG KALABOSO

grace poe

SA patuloy na pagiging No. 1 ni  Sen. Grace Poe sa nakaraang limang survey, naniniwala ang mga tagamasid pampolitika na mahihirapan nang tibagin ang anak ng dating aktor na si Fernando Poe Jr. (FPJ) sa pangunguna sa midterm elections sa Mayo 13, 2019.

Nanguna si Poe sa 2019 Pulso ng Pilipino Tracking survey ng The Issues and Advocacy Center (The CENTER) nitong Enero 4 hanggang Enero 8, 2019 at sa pinakahuling resulta ng survey ng Pulse Asia Research Inc. kaugnay ng 2019 Elections Senatorial Preferences nitong ­Disyembre 14-21, 2018.

Bago ito, si Poe rin ang No. 1 sa mga survey ng Issues and Advocacy Center (The Center) nitong Nobyembre 12-18, 2018, Radio Mindanao Network (RMN) 2019 Election Survey nitong Nobyembre 7-17, 2018 at halos dikit kay Sen. Cynthia Villar sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) nitong Disyembre 16-19, 2018 kaya nakatitiyak si Poe na magiging topnotcher sa nalalapit na halalan sa Mayo 13.

Idiniin ng political consultant at statistician na si Janet Porter na malaking bentahe ang performance ni Poe sa Senado dahil nagpakita siya ng political will sa mga isyu tulad ng pagpapaba sa minimum age of criminal responsibility (MACR) sa siyam na taong gulang na nakapasa sa Kamara ng mga Representante.

“Hindi nagbago ang posisyon ni Sen. Poe sa isyung ito dahil noong 2016 ay naghain siya ng Senate Resolution 157 bilang pagtutol sa pagpapababa ng MACR kaysa umiiral ngayon na 15-anyos,” sabi ni Porter na tubong Cavite. “Hindi naman tama na ibaba sa nine years old ang criminal responsibility, mga totoy pa ang mga iyon.”

Para kay political strategist Perry Callanta ng Strategic Training, Organizing and Research Management (STORM) Consultants, malaki pa rin ang batak ni Fernando Poe Jr. (FPJ) sa kandidatura ni Poe lalo sa Visayas at Mindanao.

“May ‘FPJ Magic’ pa rin talaga kaya sigurado ako na magiging topnotcher si Sen. Poe sa nalalapit na eleksiyon,” diin ni Callanta. “Maganda rin ang mga nagawa ni Sen. Poe sa Senado tulad ng pagpapahaba ng validity ng ating mga  pasaporte at drivers’ license sa ten years.”

Idinagdag niya na kitang-kita ang lakas ng mahika ni FPJ kung bakit laging nasa Top 10 si da­ting senador at aktor na si Lito Lapid dahil sa papel nito sa seryeng “Probinsiyano” ng ABS-CBN.

“Maganda ang papel ni Lito Lapid sa ‘Probinsiyano’ kaya lagi siyang pasok sa Top Ten ng mga survey,” dagdag ni Callanta.

Comments are closed.