POGO HUBS SA CAVITE, CLARK IPINASASARA 

Robert Ace Barbers

KUMBINSIDO si House Committee on Dangerous Drugs Chairman at 2nd Dist. Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ang bubuksang multi-billion Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) hubs sa Kawit, Cavite at Clark, Pampanga ay magiging pugad lamang ng illegal foreign workers, drug trafficking, prostitusyon at iba pang uri ng krimen kung kaya marapat na huwag itong hayaan ng pamahalaan na makapag-operate.

Partikular na nanawagan ang ranking House official sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na kanselahin ang lisensiya at pigilin ang operasyon ng inihahandang offshore online gaming hubs na ito sa nabanggit na mga lugar.

“We’ve already seen and heard in the news the intended purpose of these POGOs and their workers, engaging in kidnap for ransom, murder, online fraud, tax fraud, illegal gambling, human traffic, prostitution, and money laundering, among others,” pagbibigay-diin ni Barbers.

Ani Barbers, sa patuloy na pamamayagpag ng Chinese-operated online gaming sa bansa, sari-saring usapin ang lumalabas, kabilang na ang nasa P50 b­ilyon na hindi nakokolektang buwis dito, ang umano’y pagpasok ng may 3,000 China People’s Liberation Army (PLA) troops, ang pagkakaroon ng iisang Tax Identification Number (TIN) ng 4,000 POGO workers, ang pagpupuslit ng US$160 million, at iba pang krimen.

Samantala, isiniwalat din ni Barbers ang impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may drug syndicates na kumikilos sa tinaguriang ‘Golden Triangle’ (Cambodia, Laos at Myanmar) at gumagamit sa POGO sa kanilang money laundering scheme, partikular sa Myanmar.

Hindi, aniya, malayong ang mga sindikatong ito ay gamitin ang kahalintulad na modus operandi sa paglakas ng POGO sa bansa, at ang masaklap ay lalabas umano na may basbas ito ng gobyerno ng Filipinas dahil binigyan ng lisensiya at pinayagang makapag-operate ng Pagcor.

Dagdag ni Barbers, mismong ang Chinese government ay nagalit sa pagkakabunyag na ito kung kaya ang kanilang mga mamamayan na napatunayang sangkot sa Chinese-manned offshore gaming hubs sa Myanmar ay kinansela o pinawalang-bisa ang mga pasaporte.

Kaya naman sinabi ng mambabatas na kung ang Chinese government ay naging matigas sa pag-aksiyon laban sa mga mamamayan nito na gumagawa ng krimen, isang malaking pagkakamali para sa Filipinas na kupkupin ang Chinese POGO workers na napatunayang hindi marunong sumunod sa batas at sangkot pa sa masasamang gawain. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.