POGOS BALIK OPS NA; WORK FORCE LILIMITAHAN SA 30%

POGO WORKERS-4

PINAYAGAN  na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagbabalik operasyon ng  Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ).

Ito ang inihayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) bagama’t partial operations lamang.

Ayon kay Pagcor Chairman and CEO Andrea Domingo, 30% lamang ng kabuuang work force ng POGOs ang papayagang makabalik  sa trabaho at kailangan nilang sumunod sa precautionary measures

“Only 30% ng kanilang mga tauhan ang puwedeng pumasok. Skeletal din,” ani Domingo.

“Kaya 30% lang ng manpower nila ang puwedeng mag-report sapagkat mahigpit na mahigpit kami sa pagpapatupad noong social distancing using face masks, disinfection of their work areas every shift, and then also sila hindi puwedeng sumakay sa public transport or hindi pwedeng pumunta sa any public place,” dagdag pa niya.

Aniya, magkakaloob ang POGO firms ng private buses na maghahatid sa mga manggagawa mula sa kanilang mga bahay patungo sa kanilang pinagtatrabahuhan at vice versa. Ang mga magbabalik sa trabaho ay dapat na naninirahan sa loob ng five-kilometer radius ng opisina.

Nasa 60 POGO companies ang inaasahang muling magbubukas matapos ang isang linggong pag-validate at paghahanda.

“Formal notice sa kanila sa Monday but with all our strict requirements including testing for COVID-19,” ani Domingo.

“‘Yung negative lang ang puwedeng pumasok at sila ay ite-test every 14 days,” dagdag pa niya.

Comments are closed.