MAGUINDANAO-KINONDENA ng Philippine National Police (PNP) ang ginawang pamamaril sa opisyal ng pulisya sa palengke ng Parang nitong Huwebes.
Nagdadalamhati ang PNP sa sinapit ni Capt. Roland Moralde na isang dedicated member ng Regional Mobile Force Company (RMFB) 14, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ipinaabot ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang pakikiramay sa naulila ni Moralde gayundin sa mga kasamahan nito kasabay ng utos na imbestigahan ang pamamaslang.
Nabatid na alas-11 ng umaga nang pagbabarilin sa palengke sa Barangay Poblacion 2 ng mga hindi nakikilalang salarin si Moralde kasama ang dalawa umano’y naka-uniformed service.
Sa imbestigasyon, nagtamo ng maraming tama ng bala si Moralde habang nakuha sa crime scene ang fired cartridge cases mula cal .45 at 9mm na baril.
Batay sa Parang Municipal Police Station, sinita ni Moralde ang isang nagngangalang Mohiden Ramalan Untal dahil nahalata niyang may baril sa baywang at sa halip na magpaliwanag ay nanlaban ito.
Sa kuha ng CCTV na nasapol sa insidente, may mga dumating pang armadong lalaki at makikitang hindi isa lang ang bumaril kay Moralde.
EUNICE CELARIO